×
Home > Blog > Covid-19

Kailan Magkakaroon ng Herd Immunity sa Pilipinas?

Donna May Lina at Agay Llanera

 

Dahil buong mundo ay abala sa pagpuksa ng COVID-19, laging laman ng balita ang pagpapabakuna laban sa sakit na ito. Ayon sa Bloomberg, ang Estados Unidos ang nangunguna sa dami ng mga nabakunahan. Pumapalo sa halos 2.5 milyon ang natuturukan ng COVID-19 vaccine sa U.S. kada araw.

Simula nang inumpisahan ng Pilipinas ang vaccination drive nito n’ung March 1, higit sa 240,000 ang nabakunahan nang mga Pilipino. Ngunit bukod sa mabagal na pagdating ng mga vaccine, hadlang sa malawakang vaccination ang kawalan ng tiwala ng mga Pilipino sa vaccine. Ayon sa isang survey, 46% ng mga Pilipino ay hindi papayag mabigyan ng COVID-19 vaccine kahit na napatunayan itong ligtas at epektibo.

 

Kasaysayan ng Bakuna  

Pinaniniwalaan na ang English physician na si Edward Jenner ang unang nagsagawa ng matagumpay na pagpapabakuna. Pagkatapos niyang turukan ng smallpox virus ang isang bata, nagkaroong ang pasyente ng immunity sa nasabing sakit. Nang nagkaroon na ng mass vaccination, tuluyan nang naiwaksi mula sa mundo ang small pox noong 1979.

Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC), mahalaga ang childhood vaccines o ‘yung mga bakunang ibinibigay sa mga sanggol at bata sa pag-iwas sa sumusunod na mga sakit:

 

  • polio
  • tigdas (measles)
  • diphtheria
  • pertussis (whooping cough)
  • tigdas-hangin (German measles)
  • beke (mumps)
  • tetanus
  • rotavirus
  • Haemophilus influenzae type b (Hib)

 

Ang mga bakuna ay nagbibigay proteksyon, hindi lang sa indibiduwal, kungdi pati rin sa buong komunidad.

 

Ano ang Herd Immunity?

Inilalarawan ng World Health Organization (WHO) ang herd immunity bilang indirektang proteksyon laban sa isang nakahahawang sakit. Maaaring magkaroon ng immunity ang isang populasyon mula sa pagpapabakuna o dati nang pagkakasakit. Dahil posibleng mabiktima ng COVID-19 nang higit sa isang beses, inirerekomenda ng WHO ang pagpapabakuna laban dito upang makamit ang herd immunity.

 

Para hindi dapuan ng matinding COVID-19 ang malaking bahagi ng populasyon, isinasagawa ng mga bansa ang malawakang vaccination. Herd immunity rin ang layunin ng pamahalaan ng Pilipinas kaya inanunsyo nito ang planong mabakunahan ang 70 milyong Pilipino sa loob ng isang taon.

 

COVID-19 Vaccination Plan sa Pilipinas

Noong Pebrero, inilabas ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang priority list o ‘yung pagkakahanay ng mga mababakunahan.

 

Source: Philippine News Agency (PNA)

 

Ayon sa Philippine National Deployment and Vaccination Plan for COVID-19 Vaccines, nakakalap na ang pamahalaan ng ₱82.5 billion. Ilalan ito sa pagbili ng mga vaccine at iba pang mga gastusin sa pagbabakuna.

 

Source: DOH

 

Nabanggit ni Department of Finance (DOF) Secretary Carlos Dominguez III na posibleng umabot sa ₱1,300 ang pagbabakuna sa bawat indibiduwal. Dagdag pa niya, mga 57 milyong Pilipino ang makikinabang sa ₱75-bilyong pondong inilaan ng pamahalaan sa pamimili ng mga vaccine. Ang natitirang populasyon ay paggagastusan ng mga LGU (local government unit) at pribadong sektor. Sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act, pumirma ng kontrata ang lokal na pamahalaan, LGU at mga 300 pribadong kumpanya upang bumili ng 17 milyong dosis mula sa  British pharmaceutical company na AstraZeneca. Ayon kay Joey Conception, ang Presidential Adviser for Entrepreneurship, kalahati ng mga dosis na bibilhin ng pribadong sektor ay ibibigay sa  gobyerno, habang ang kalahati ay mapupunta sa mga empleyado ng mga kumpanya.

 

Nationwide Vaccination Drive 

Sources: DOH, WHO, PNA

 

Higit sa 480,000 dosis ng AstraZeneca vaccine ang ibinigay ng COVAX facility sa Pilipinas. (Photo: National Task Force Against COVID-19)

 

Base sa tinatayang datos ng paglago ng populasyon mula sa Philippine Statistics Authority, bumuo ang pamahalaan ng three-year vaccination plan mula 2021 hanggang 2023. Inaasahan na sa 2022, maaari nang mabakunahan ang mga 16 years old pababa, habang meron nang COVID-19 vaccine para sa mga sanggol sa 2023. Ang mga binakunahan ngayong 2021 ay bibigyan pa ng booster shots sa susunod na mga taon.

 

Source: DOH

 

Pagkamit ng Herd Immunity

Kahit hindi pa alam ng WHO ang eksaktong porsyento ng isang populasyon na dapat mabakunahan upang makamit ang herd immunity, layunin ng pamahalaan ang mabigyan ng COVID-19 vaccine ang 70 milyong mga Pilipino ngayong 2021. Pero dalawang dosis ang kailangan para makumpleto ang pagpapabakuna— ibig sabihin, 140 milyong dosis ang dapat maiturok ngayong taon.

 

 

Base sa mga bilang na ito, dapat bilisan ng pamahalaan ang pagbabakuna para magkaroon ng herd immunity sa bansa—lalo na’t kailangang kailangan na ito ng ating ekonomiya.

Matagal pang haharapin ng bansa ang pandemya, at hindi pa natin alam kung kailan ito matatapos. Ngunit isang bagay ang maliwang: hangga’t hindi pa nababakunahan ang 70 milyong mga Pilipino, kailangan ng ibayong pag-iingat ngayong tumataas muli ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa.

Tumatakbo ang oras, pero habang wala pang bakuna ang karamihan ng mga Pilipino, dapat sundin ang mga hakbang upang masiguro ang pansariling kalusugan at kaligtasan. Sa ganitong paraan pa lang natin maiiwasan ang sakit na patuloy na dumadagdag sa 2 milyong bilang na namamatay sa buong mundo.