×
Home > Blog > Health

Bakit Masarap Magkape Kahit Mainit?

Umulan man o umaraw, hindi nawawala ang mainit na tasa ng kape tuwing agahan at minsa’y meryenda nating mga Pinoy. Tila’y bahagi na ng ating sistema ang pagkahilig sa kape, kaya’t marami ang nagsasabing hindi buo ang araw nila kapag wala nito. Hindi na nakapagtataka na noong 2019, higit sa 3 milyong 60 kilograms na coffee bags ang kinonsumo ng mga Pilipino.

Ayon sa Nutrition Officer ng National Nutrition Council na si Kareena Abungin, ang Pilipinas ay “nation of coffee lovers”. “Maraming dahilan kung bakit nagkakape ang isang indibidwal kahit pa mainit ang panahon,” ani Abungin. “Una, ito ang nakasanayan o naging routine na gawin. Pangalawa, ginagamit ang kape as energizer o pantanggal ng antok.” Meron kasi itong natural stimulant na caffeine na tumutulong  para manatiling alert at hindi agad antukin. Ang iba rin daw ay umiinom ng kape dahil sa health benefits nito. At ang huling dahilan: “Posibleng walang ibang available na pagkain kungdi kape lang.”

 

Health Benefits ng Kape

Ayon kay Abungin, narito ang ilang mga benepisyo sa kalusugan ng pag-inom ng kape:

  • Epektibo itong pampagising lalo na tuwing umaga o meryenda. Binabawasan nito ang ating pagkapagod at pinapatalas ang ating isipan. 

 

  • Mayaman ito sa antioxidants na nagpapanatili ng malulusog na cells. Siksik din ito sa B vitamins and minerals gaya ng manganese, potassium, at magnesium.

 

 

 

Photo by Lisa from Pexels

 

Para maliwanagan tayo sa mga katotohanan ukol sa pag-inom ng kape, sinagot ni Abungin ang ilan naming mga tanong.

 

  1. Nakaka-dehydrate ba ang kape? 

Abungin: Hindi ito nagdudulot ng dehydration. Ang caffeinated na coffee drinks, nagtataglay ‘yan ng caffeine—isang substance na may diuretic properties kaya madalas sumasama lang din ito sa pag-ihi. Malabo itong maging dahilan ng dehydration, lalo na kung nasa lifestyle na ng tao ang pag-inom ng kape.

Ang kape ay maaring makatulong sa hydration dahil mostly water naman ito. Pero hindi ito substitute ng tubig…dahil tubig pa rin ang best source of hydration—no added sugar, calorie free, and caffeine-free.

 

  1. Bakit nagkakaroon ng coffee addiction?

Abungin: We develop tolerance for caffeine. Over time, we really feel the need to increase the caffeine to stay alert and to be able to concentrate. Hindi ito coffee addiction, kungdi coffee dependence. Since it’s a stimulant to the central nervous system, nag-poproduce ito ng  happy effect in the brain—same feeling na nabibigay kapag maraming energy and alert. It also slightly raises dopamine level or yung tinatawag na “feel-good hormone”.

Marami ang nakakaranas ng caffeine dependency at may hakbang para mabago ang dietary habits, lalo na sa mga aware na nagiging dependent na sa kape. Maaaring magpalit ng iinumin gaya ng herbal tea or yung mga decaf.  Maaari ring bawasan nang unti-unti ang pag-inom ng kape.

Hindi dapat biglang alisin [ang pag-inom ng kape] or mag-caffeine withdrawal sa dietary habit  dahil posible itong makasama. Maaaring makaranas ng pagkahilo at pagsusuka.

 

  1. Ano ang rekomendadong oras para sa pag-inom ng kape?

Abungin: Nakadepende sa tao ang best time to drink coffee. Kung ang reason nila ay uminom ng kape para magising, mas mainam uminom sa umaga at meryenda. Pero kung ang tao ay caffeine sensitive, hindi advisable na uminom ng kape less than 6 hours bago matulog, lalo na sa gabi dahil posible ito mahirapan sa pagtulog.

 

  1. Ilang tasa ng kape ang puwedeng inumin kada araw?

Abungin: For healthy people, 3 to 5 cups of coffee daily is linked to a 15% reduction in risk for heart disease. Pero  hindi naman siya recommended na kailangan maka-3 to 5 cups of coffee daily. Mayroon considered safe level ng caffeine intake sa isang araw. Magkakaiba rin kasi ang content ng caffeine per cup of coffee. Pero ang safe na level ay yung walang  after effects. Sobra sa safe level ay ang nasa 400 milligrams na. Maaari itong magdulot ng confusion o pagkalito, hallucination at pagsusuka kapag napasobra ang caffeine sa katawan.

 

  1. Anu-ano ang mga posibleng epekto ng sobrang kape?

Abungin: Maaaring maging hirap sa pagtulog o makaranas ng nervousness. Meron ding gastrointestinal o problema sa tiyan. Kung mayroon mga nararanasan na stomach problems, kumonsulta muna sa doktor kung okay lang ba uminom ng kape o dapat ba itong limitahan. Maaari ring magkaroon ng heartburn o upset stomach. Kapag maraming added sugar  at calories, lalo na sa mga instant coffee, maaaring mauwi sa diabetes at pagtaas ng timbang.

Para sa taong mayroong high blood pressure, unlikely maging cause ang pag-inom ng kape ng overall risk of heart disease. Pero sa caffeine, may increase in blood pressure for a short time after consumption lalo sa mga  madalas uminom ng kape.

 

  1. Mas healthy ba ang brewed coffee kaysa instant coffee?

Abungin: Ang instant coffee ay gawa sa dried coffee extract. Like regular coffee, nagtataglay pa rin ito ng antioxidants  na nagsisilbing protection ng katawan laban sa free radicals. Pero mas kaunti ang taglay na caffeine ng instant coffee. Ang brewed coffee ay walang additives na sugar, palm oil, o yung iba pa. Ang plain black coffee without milk or cream ay low in calories. In fact, ang isang tasa ng black coffee ay mayroon lang around 2 calories. At kung dadagdagan ito ng gatas, puwedeng non-fat.

 

Photo by Mae Mu on Unsplash

Ayon kay Abungin, wala namang problema sa pag-inom ng kape kahit mainit ang panahon. Pero nakadepende ang kaligtasan nito sa body temperature at caffeine sensitivity ng umiinom. Dahil nakapagpapapawis ang mainit na inumin, nagkakaroon ito ng “cooling effect” sa katawan.

Ngunit kung sobrang init ng panahon at hindi agad nakaka-evaporate ng pawis, wala ring mararamdamang cooling effect. Kapag mas maraming tubig ang nailalabas ng katawan kaysa sa pumapasok dito, makararanas tayo ng dehydration. 

Kaya ang payo ni Abungin: kapag mainit  ang panahon, uminom ng maraming tubig. Mas nakagiginhawa ng katawan ang malalamig na inumin kaysa kape. Ngunit ngayong malapit na ang tag-ulan, siguradong marami ang maeenganyong humigop ng kape para uminit ang katawan.