×
Home > Blog > Health

Ding ang Bato! Tips para sa malusog na kidney ngayong 2022

“Sana pala nag-ingat ako.”

Iyan ang madalas sabihin ng marami kapag nagkaroon ng malubhang sakit tulad ng sakit sa bato. Ayon sa International Society of Nephrology (ISN), isa sa bawat sampung tao sa buong mundo ang may Chronic Kidney Disease (CKD). Kung ‘di maaagapan, tinatayang magiging ikalima ito sa pangunahing sanhi ng kamatayan pagsapit ng taong 2040.

Bilang tugon, idineklara ng World Kidney Day Joint Steering Committee ang taong 2022 bilang ‘Year of Kidney Health for All’.  Layunin nito na mapalaganap pa ang kaalaman tungkol sa ating mga bato o kidney at ang wastong pangangalaga nito.

Ano ang bato o kidney?

Mayroon tayong dalawang kidney na matatagpuan sa ilalim ng ating tadyang, sa magkabilang gilid ng likod ng ating tiyan. Halos kasing laki ang mga ito ng ating kamao o ng isang computer mouse. Ang malusog na kidney ay may habang apat hanggang limang pulgada bawat isa. 

Kahalagahan ng kidney sa ating pangangatawan

Ang pangunahing tungkulin ng kidney ay mailabas ang toxin o lason mula sa ating katawan. Ilan pa sa mga tungkulin nito ang sumusunod: 

  • Paggawa ng ihi
  • Paglilinis ng ating dugo
  • Paggawa ng red blood cells
  • Tumutulong para maging malusog ang ating mga buto
  • Pagpapanatili ng tamang sukat ng tubig sa ating katawan

Tips para sa malusog na kidney

Isang Pilipino kada oras ang nagkakaroon ng sakit sa bato base sa datos ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI). Itinuturing rin ang sakit na ito bilang “silent killer” dahil lumalabas lamang ang sintomas kapag malubha na ang lagay ng pasyente. Para maiwasan, narito ang walong epektibong paraan upang mapangalagaan ang ating mga kidney:

  1. Manatiling malusog at aktibo. Makatutulong ito upang mapanatili ang tamang timbang ng katawan at maiwasan ang panganib ng pangmatagalang sakit sa bato.
  2. Kumain ng masusustansyang pagkain. Kasama na rito ang pag-iwas sa mga pagkaing maaalat at paglimita sa pagkonsumo ng mga hindi organikong pagkain. 
  3. Suriin at kontrolin ang blood sugar level. Halos kalahati ng bilang ng mga taong may diabetes ay nagkakaroon rin ng pinsala sa bato. Maiiwasan ito kung mahusay na makokontrol ang ating blood sugar level. 
  4. Panatilihing kontrolado ang blood pressure. Maaaring makapinsala sa ating mga bato ang mataas na presyon ng dugo lalo na kung may diabetes at mataas na kolesterol. 
  5. Uminom ng wastong dami ng tubig. Mabuting kumunsulta sa iyong doktor para sa naaangkop na dami ng tubig base sa iyong edad, kalagayan, at kalusugan. 
  6. Iwasang manigarilyo at huwag uminom ng alak. Nagpapabagal sa daloy ng dugo sa ating mga bato ang mga ganitong gawain na maaaring makabawas sa kakayahan nitong gumana ng normal. 
  7. Huwag basta-basta uminom ng gamot kung hindi inireseta ng doktor. Ang regular kasing pag-inom ng karaniwang gamot ay maaaring makapinsala sa ating mga bato. 
  8. Mabuting magpatingin agad sa doktor kung mayroong isa sa mga ‘high-risk factors tulad ng:
    1. Diabetes
    2. Hypertension
    3. Obesity
    4. Family history ng kidney disease

Tandaan na lamang ang may alam, at laging nasa huli ang pagsisisi. Kaya habang maaga, ibayong pag-iingat ang kailangan. 

Para sa higit pang kaalaman tungkol sa pangangalaga ng ating kidney, panoorin ang bagong segment ng #AnoSaTinginMo kasama si Dr. Erbe Bugay, Chief of Hospital ng Ospital ng Lungsod ng San Jose Del Monte, Bulacan.