×
Home > Blog > Disaster Preparedness

PAGASA, nakiisa sa pagdiriwang ng #WorldMetDay 2022

Walang bisa ang babala kung wala rin maniniwala.

Hindi na sapat ang simpleng pagtataya sa magiging lagay ng panahon. Kailangan nang mas paigtingin ang pagbibigay ng babala at dagdagan pa ang serbisyo-publiko. Dahil sa panahon ng sakuna, agarang pagkilos ang kinakailangan. Pagkilos na resulta ng kamalayang nanggaling sa mga nakasasagip-buhay na paalala.

Kaya naman bilang tugon, nakiisa ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA sa pagdiriwang ng 157th National and 72nd World Meteorological Day nitong ika-23 ng Marso sa ilalim ng napapanahong temang “Early Warning and Early Action, Hydrometeorological and Climate Information for Disaster Risk Reduction.”

 

Source: DOST-PAGASA

Layunin ng nasabing paggunita ang pagpapalawig ng kaalaman sa kahalagahan ng kahandaan at kakayahang kumilos ng bawat isa sa tamang oras, sa tamang lugar. Binigyan-diin dito ang pagkakaroon ng mga babalang makapagliligtas ng maraming buhay at kabuhayan.

PAGASA’S #WORLDMETDAY: 146TH NATIONAL CLIMATE FORUM

Bilang pakikiisa sa nasabing adbokasiya, inilunsad ng PAGASA ang ika-146 National Climate Forum na ginanap noong Martes, ika-22 ng Marso.

“Monthly ginagawa namin itong Climate Forum at ipinapakita namin ang mga pangyayari for the past months and for the next 6 months. Nagkaroon tayo ng La Niña until now na nakaaapekto sa atin partikular na sa Central Luzon. Nagkaroon rin po tayo ng Cloud Seeding sa Angat River Basin Area dahil sa pagkukulang ng tubig. Isa itong plano para maibsan ang pagkukulang ng tubig,” saad ni Dr. Vicente Malano, PAGASA administrator.

Source: DOST-PAGASA

Tinalakay sa nasabing programa ang mga pinakasariwang impormasyon sa lagay ng panahon, lagay ng ating mga dam, pagtataya sa kondisyon ng ating klima mula Pebrero hanggang Marso, pagbibigay ng kahulugan at kahalagahan ng Sub-seasonal Climate Forecast, pagtataya sa posibleng klima mula Abril hanggang Setyembre, at pagtalakay sa bahagyang pagtaas ng bilang ng Christmas typhoons sa Pilipinas.

Kabilang sa mga nagbigay ng pahayag sina G. Robert B. Badrina (Weather Specialist I, WD), G. Richard Orendain (Weather Specialist II, HMD), Bb. Ger Ann Marie W. Duran (Weather Specialist I, CAD), G. Joey Figuracion (Weather Specialist I, CAD), Bb. Ana Liza S. Solis (Chief, CLIMPS-CAD), at Dr. Joseph Q. Basconcillo (Weather Specialist I, CAD).

“Napakahalaga po ng mga impormasyon na naihayag sa ating forum kabilang na ang bagong Sub-seasonal Forecast. Binibigyan rin namin ng babala ang ating mga kababayan sa tulong ng ganitong programa sa pagtitipid ng tubig sa darating na mga buwan,” wika ni Dr. Esperanza O. Cayanan, Deputy Administrator for Research and Development.

PAGASA’S #WORLDMETDAY: SCIENTIFIC FORUM 

Ang maagap na paghahanda, makabuluhan ang nagagawa. 

Naging matagumpay rin ang isinagawang scientific forum ng PAGASA, nitong Miyerkules, Marso 23, na nagbigay impormasyon sa mga sumusunod na paksa;

  • Decommissioning and replacement of tropical cyclone names from 2021
  • Revised definition of Super Typhoon (STY) Category
  • Modified Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) System
  • Updated Tropical Cyclone Forecast Chart
  • Changes to the Tropical Cyclone Forecast Areas
  • Impact-Based Forecast (IBF) Development: 6Ps
  • Pilot Testing and benefits of IBF implementation on stakeholders
  • Verification of the IBS warning issue
  • Two basic issues on Early Warning System
  • Early action and preparedness planning
  • Efficient information dissemination to local departments and the public
  • Proper implementation of IBF and translation of technical weather information
  • Establishment of Impact Data Library and development of IBF Guidebook
  • Exploration of platforms and mechanisms in information dissemination for the IBF Advisories
  • Conduction of more case studies and IBF workshops for the barangays
  • Impacts of typhoon Odette on built structures

PAGASA’S #WORLDMETDAY ACTIVITIES

Nagsagawa rin ang PAGASA ng iba’t ibang palatuntunan sa pagdiriwang ngayong taon ng National at World Met Day. Kabilang dito ang isang caricature drawing contest na tinawag na “e-Guhit”, para sa mga mag-aaral sa Junior at Senior High School sa buong bansa.

 

Bilang dagdag, isang education seminar ang inilunsad para sa mga non-technical at technical employees ng PAGASA na tinawag na “Maagang Aksyon at Akmang Gawin Ayon sa Panahon” (MAAGAP). Natunghayan naman ang pagbibigay parangal sa mga nanalong indibidwal sa “PAGASA Gawad Awards” at  “PAGASA Wind Vane Awards” sa pagtatapos ng programa.

Source: DOST-PAGASA

Ang World Meteorological Day ay ipinagdiriwang tuwing ika-23 ng Marso bilang paggunita sa pagkakatatag ng World Meteorological Organization (WMO) noong 1950.  Ang WMO ay isang espesyal na ahensya ng United Nations (UN) na binubuo ng 193 bansa at teritoryo, kabilang na ang Pilipinas.

Nakatuon ang WMO sa pag-aaral ng lagay ng panahon sa ating daigdig at mga epekto nito sa lupain, karagatan, at klima ng bawat bansa. Dagdag pa, isinasabuhay rin ng WMO ang pandaigdigang pangako at tugon ng UN sa mga sakunang dulot ng klima na nararanasan sa buong mundo at sumisira ng kapaligiran kasama na ang pagkasawi ng maraming buhay.

Sa kasalukuyan, patuloy na pinaiigting ng PAGASA ang pakikipagtulungan, lalo na sa mga lokal na pamahalaan at sa publiko, upang hikayatin ang lahat na maging handa at magkaroon ng sapat na kaalaman sa maagap na pag-aksyon sa panahon ng mga sakuna.

#PanahonTV #PAGASA #PanahonTVBlog #WorldMetDay2022 #EarlyWarningEarlyAction